Sunday, February 28, 2010

Ukay-Ukay


KAPAPASA ko ng katatapos ko lang sulatin na istorya. Hindi ko na muna babanggitin ang pamagat dahil baka ibahin ng mga patnugot; at siyempre, maghihintay pa ako ng ilang linggo bago malaman kung pasado ba ang aking sinulat. Masaya ako sa pagsusulat ng istoryang ito at talagang kinulit kong mabuti ang aking utak hanggang sa huli upang magkaroon ng kulay at buhay ang istorya at ang mga karakter.

Ang nagtulak na inspirasyon dito ay ang hilig ko sa ukay-ukay.

Palibhasa lumaki akong hindi nakamit ang mga bagay na masasabi kong "desirable" at "collectible", ngayong may edad na ako at kaya nang bumili ng halos lahat ng bagay na aking naisin (mind you, as in, lahat!), masasabi kong hindi lahat ay aking nais ariin.

Ang ukay-ukay ay malawak na ang sakop. Hindi na lang ito para sa damit na kung nais mong mahanap ang nais mong bilhing segunda mano ay kailangang hukayin mo ang madalas na bunton na paraan ng pagbebenta ng mga ito. Subalit ang hindi maganda sa mga pnagyayari, marami ang sabay-sabay na nag-speculate na negosyuhin ang pagbebenta ng mga segunda mano (hindi katulad noon na si Eloy's lang ang sikat); dala na rin siguro ito ng katotohanang ang kayang bilhin ng karaniwang tao ay mga pinaglumaan ng iba. Kumbaga, ang basura para sa isa ay kayamanan para sa iba. Kaya naman ngayon, ang mga ukay-ukay naka-hanger na---naku, dagdag sa presyo ang paraan ng pagkaka-display ng merchandise! Nawala na tuloy ang excitement ng paghukay sa bunton ng segunda manong damit---ang nais ko pa rin kasi ay ang maghukay hindi ang isa-isahin ang mga nakasabit na damit gaya ng estilo sa mga department store.

O sige, nandoon na tayo. Mas maganda nga namang tingnan ang naka-hanger, pero...NAH!

Kaya naman ang ninais ko ay hindi damit (paminsan-minsan na lang iyon na bumili ako ng segunda manong damit at mayroon partikular na style akong hinahanap), nagsanga na ang aking sakop, kaya naman kahit na anong bagay na ninais ko noong ako ay maliit pa, basta nakakita ako sa garage sale at flea market ay binibili ko sa kahit na ano pa ang halaga.

Halimbawa na lang ang mga Matchbox! Noong ako ay mga siyam o sampung taong gulang, nakita kong naglalaro ng Matchbox ang aking mga pinsang lalaki at kung minsan pa nga ay nakipaglaro ako sa kanila o kaya ay hiniram ko ang kanilang mga laruang kotse. Ito ay ang panahon na ang mga laruang ito ay Made in England ang nakatatak sa ilalim kasama ang taon ng produksiyon. Ngayon ay Made in China, Indonesia, Bangladesh, Vietnam, atbp. ang mga produktong nabibili ngayon. Hindi sa minamaliit ko ang mga bagay na yari mula sa mga bansang ito; sa tingin ko kasi ay nawawala ang "soul" ng bagay kapag masyadong marami ang nagmamay-ari ng iisang produkto.

"It's hot and everybody wants it!" Kung ano ang uso, 'ika nga.

Sa ngayon, ang vintage na meron ako at labis akong nasisiyahan ay ang mga blusang ipinamana sa akin ni Lola. Nitong mga nakakaraang panahon ay bumibili na rin ako ng mga bagay na hindi ko nakamtan noong ako ay bata pa, kaya naman meron na akong sariling Matchbox toys! Medyo shabby na ang condition ng mga laruang ito na natagpuan ko sa isang charity jumble sale, pero ako ay nasisiyahan na makita ang mga ito lalo na kapag ang aking anak ay pinaglalaruan ang mga ito. Nasisiyahan akong sabihin na bibihira ang bata na may laruang kasing-edad o mas matanda pa kesa kanyang magulang.
(Note: Ang sasakyang nasa larawan sa itaas ay isang Matchbox (manufacture date sa ilalim ay 1968)replica ng Volkswagen Beetle. Iyan ang kotseng nasa aking isipan para sa istorya.)

No comments:

Post a Comment